
Iyan ang totoo..! Bagamat isang mahigpit na pagtatanggi ang ipinupukol sa inyong lingkod.. nang ipinagpipilitan kong nasilayan ko na ang kanyang ipinagmamalaking obra maestra nung ako'y nakikipagsapalaran pa lang sa kamaynilaan...
Iyan ang totoo..! hindi ko man mapatunayan.. nalilito ba o tanda ng katandaan ng pagiging ulyanin o ito ba'y isang tinatawag na deshabwooo..
Kesyo totoo man o hinde, buong pananabik kong ipagmamalaki ang pakikipagtuos ko sa pinakamagaling na Tausog na pintor ng kanyang henerasyon at siya'y walang iba kungdi si Rameer Tawasil...
Sino at anu ba itong aking tinutukoy...? Isang obra napinamagatang- The Burning of Jolo- isang pagsasalarawan ng karanasan ng isang limang taong gulang nang masaksihan nya ang kagila-gilalas at karumal-dumal na pagsusunog ng Jolo nung dekada sitenta...
Nang ako'y dumapo sa rehiyong ito ng mga Chavakano, Tausog at Bisaya (Chatabis) ... namangha na ako sa kauna-unahang pagkakataon sa isang nakapintang gawa sa papel at waterkolor na naglalarawan ng makukulay na vinta nakakabit sa dingding ng tindahan ng mga libro sa pweblo....Tiene ara alia Guiwan... (tama kaya?) ... Binalak ko mang puntahan wala akong kaperahan at wala akong alam sa lugar na yaon...
Dumating ang pangalawang pagkakataon... isang egsibit sa isang kilalang otel ng mga Intsik na itinago sa pangalan ng hardin at orkidyas...mga ipinintang vinta na kilalang kilala bilang kanyang marka..matitingkad at magagandang kulay na pinaghahalo sa pamamagitan ng kanyang istilong ma-alon? ( ito pala ay tinatawag na ukkil). Sa kasamaang palad... ang bulsa ng inyong lingkod ay butas pa rin ng mga panahon na yaon...unti unting nalagas na dahon ang mga obra hanggang natapos ang buong pag mamatyag...

Bilisan natin ang panahon-dalawang taon hanggang sa kasalukuyan... nanginginig, nangangatal at nabubulol na nakikipag-tsikahan sa pintor ng taon..
Mahaba ang tuwid na hibla ng buhok... bigotilyo at may limang pulgada ang taas..
Hindi katandaan katulad ng naitatak sa aking isipan na ang mga sikat na artista ay uugod ugod, gusgusin, walang ligo at di nagsisipilyo...
Isa pala syang disente at madaldal na tao... sabik magbigay ng opinyon at kwento sa kayang mga naging karanasan...etsetera etsetera...hindi ko akalaing magkikita kami ng personal sa egsibit ng dalawang bagong pintor ng zamboanga... Sila pala ay kanyang mga mag-aaral...
Dalawang araw ang lumipas... buong kabaitan nyang inihatid ang larawan ng isang nakatalikod na babae habang tumatanaw sa papalayong mangingisda upang makipagsapalaran sa karagatan ng Jolo sakay sa kanyang makulay na Vinta...