Pinapunta ko muna ang bata sa laboratoryo para sa CBC nang mapansin ko ang isang matandang babae ang nakaupo sa may dulong upuan ng reception area ang may hawak na puting supot na may marringgan ng pagkislot. Ang ina ni Adam.
"Pinabibigay ni Adam dok", habang inaabot ang puting supot. Inaya ko sa loob ng consultation room. "Pinagbilin talaga ni Adam na ibigay ito sa yo dok kahit anung mangyari..kaya pinagsikapan ko talagang bilhin at dalhin dito."
Amoy ko ang singaw ng preskong simoy ng dagat na nagmumula sa supot. Malikot ang nasa loob.
"Alam ni Adam na paborito mo ito, at saka di ba dok pinangako nya sa iyo ito...." garalgal na ang tinig ng ina..namumula ang dalawang mata habang may nakita akong namumuong kislap..
Nagsimula na syang magkwento..naramdaman kong nanuyo ang aking labi at lalamunan, mahirap magsalita..nahihiyang baka bumigay ang tinig at malaman ng inang mahina rin pala ako .. kailangang matibay ang loob ng mga manggagamot. di dapat nagpapakita ng emosyon..
"May pinapagawa pa sya sa tawi-tawi na banig para sa yo malapit na matapos"
Di ko mapigilan ang pagluha... di na alintana ang hiya... nagpakita rin ng kahinaan...
"alam mo ba dok pumunta kami sa clinic isang araw pagkatapos mong umalis papuntang Davao..dun ka raw magpaPasko sabi ni Ann...umiyak si Adam..'wala na ang doctor ko sinu na ang titingin sa akin..."
"tiniis niya ang nararamdamang sakit at hirap sa paghinga..ayaw nyang pumunta ng ospital ng hindi ikaw ang titingin.."
Ang sakit. ang lungkot mawalan ng isang tao na mataas ang tiwala sa yong kakayahan...
Sayang wala akong magawa nuong naghihirap siya..
Marami pa syang ikinuwento...mag0iisang oras yata. Di ko na alintana ang mga naghihintay na pasyente sa labas..
Nakinig lang sa inang nagdadalamhati...
Maraming salamat sa alimango 'nay, ang naalala kong huling nasambit.. habang may ngiti na sa labi ang ina..






No comments:
Post a Comment